
Nasa record high na 89% ng adult Filipinos ang nagsabing kontento kung paano gumagana ang demokrasya sa bansa ayon sa Social Weather Stations (SWS) survey.
Ito ay resulta ng isinagawang pag-aaral ng SWS mula Disyembre 10 hanggang 14 ng nakalipas na taon na inilabas nitong Abril 21, 2023.
Ito ay mas mataas sa 78% na satisfaction rating noong Abril 2021 at 3% na mas mataas kumpara sa nakalipas na naitalang 86% satisfaction noong Setyembre ng taong 2016.
Ayon sa SWS ang satisfaction sa demokrasya ay maiuugnay sa matagumpay na presidential elections noong 1992, 1998, 2010, 2016 at 2022.
Naobserbahan din ang mataas na satisfaction rating ng mga Pilipino sa demokrasya sa bansa sa isinagawang senatorial elections noong 2013 at 2019.
Natukoy din na nasa 60% ng mga Pilipino ang committed democrats at nagsabing ang demokrasiya sa bansa ay laging preferable sa anumang uri ng gobyerno.
Nasa 26% naman ng respondents ang nagsabi na sa ilalim ng ilang kondisyon, ang isang authoritarian government ay maaaring preferable sa isang democratic o conditional authoritarians. Sa kabilang banda, nasa 15% ang nagsabi naman na hindi mahalaga kung mayroon silang demokratikong pamahalaan o wala.
Isinagawa ang survey sa 1,200 adults mula Disyembre 10 hanggang 14.










