-- Advertisements --
pnp

Nagpahayag ng kumpiyansa ngayon si Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na bababa pa ang crime trend sa Pilipinas ngayong buwan ng Disyembre.

Ito ay dahil sa ipapakalat na 85% ng kabuuang puwersa ng pambansang pulisya ngayong Holiday Season partikular na sa mga matataong lugar tulad ng mga parke at iba pang mga pampublikong lugar.

Ayon pa kay Azurin, bukod sa naturang deployment ng mga pulis ay kaisa rin nila ang mga force multipliers sa para sa pagtiyak sa seguridad ng publiko, at gayundin ang pagpapaigting pa sa mga checkpoint operations sa mga otoridad.

Layunin aniya nito na tiyakin ang kaligtasan ng taumbayan habang abala ang mga ito sa pag e-enjoy ngayong panahon ng Kapaskuhan at Bagong Taon.

Dagdag pa niya, malaking tulong din ang ginagawang information drive ng mga pulis hinggil sa iba’t-ibang modus ng mga mapagsamantalang loob.

Samantala, ibinida rin ng hepe ng pambansang pulisya ang kanilang ginawang pagtugis sa mga ilegal na gumagawa at nagbebenta ng mga paputok na layon naman na maiwasan ang mga hindi kanais-nais na mga aksidente sa pagdiriwang ng Holiday Season.

Kung maalala, una rito ay patuloy naman ang ginagawang babala ng buong hanay ng kapulisan sa publiko na palaging mag-ingat at maging mapagmatyag pa rin ngayong Yuletide Season para sa mas ligtas at masayang selebrasyon ng Pasko at bagong taon.