CEBU CITY – Kanselado na ang nasa 80 porsyento ng mga flights galing sa mainland China sa Mactan Cebu International Airport.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ed Mendez, ang tourism officer ng Lapu-Lapu City, sinabi nitong kaugnay pa rin ito sa kanilang hakbang laban sa 2019 novel coronavirus.
Ayon kay Mendez na kanselado na rin ang pagpasok ng mga Chinese carrier sa MCIA.
Maliban sa mga nasabing kanselasyon ay siniguro naman nitong ‘activated’ na ang lahat nilang mga action plan lalong-lalo na sa mga hotel and resort sa lungsod ng Lapu-Lapu at ngayong hapon ay itinakdang isusumite ng mga namunuan ng nasabing mga establisimento ang kanilang incident report.
Inamin ng tourism officer na ‘very critical’ ngayon ang lungsod ng Lapu-Lapu dahil nasa kanila ang airport at dito naglabas-masok ang mga Chinese nationals.
Siniguro naman ni Mendez na ‘very proactive’ sila sa Lapu-Lapu City sa kanilang mga isinagawang hakbang laban sa NCoV.
Habang ngayong hapon naman maglalabas ng statement ang Department of Health 7 kung totoo na galing dito sa Cebu at Dumaguete ang 38-year-old Chinese woman na siyang pinakaunang pasyente na positibo sa coronavirus dito sa Pilipinas.