BAGUIO CITY – Arestado ang walong wanted persons, kung saan tatlo sa mga ito ay Top Most Wanted Persons (TMWP) sa magkakahiwalay na implementasyon ng Manhunt Charlie sa iba’t ibang bahagi ng Cordillera Region at Region 1 kahapon.
Arestado sa Licuan-Baay, Abra si Ceferino Bobila Villegas, 39, nakatalang No. 12 TMWP ng 3rd Quarter 2020 sa Region 1 at nahaharap sa kasong murder na walang piyansa at frustrated murder na may piyansang P200,000 kung saan naaresto ito sa Caoayan, Licuan-Baay, Abra.
Nahuli naman sa Buguias, Benguet si Robert Yabes Lamorena aka Ruben, 45, nakatalang No. 6 TMWP sa Paniqui, Tarlac dahil sa kaso nitong robbery-hold up na may piyansang P100,000.
Arestado din sa Rosario, La Union ang No. 3 TMWP ng second quarter 2020 na si Arnold Dizo Acosta, 49 na nahaharap sa kasong estafa na may piyansa na P400,000.
Pawang nahuli din ng mga pulis sa Baguio City ang lima pang mga wanted persons na nahaharap sa mga kasong estafa, other forms of swindling, paglabag sa RA 9262, Bouncing Checks Law at homicide na pawang mga may piyansa.
Ayon kay Police Regional Office Cordillera regional director Police Brig. Gen. R’win Pagkalinawan, ang tagumpay na pagkahuli ng mga nasabing wanted na kriminal ay bunga ng pakikipagtulongan ng komunidad sa mga pulis ng Cordillera.
Patuloy aniyang susugpuin ng Cordillea Police ang mga kriminal sa rehiyon para maipagpatuloy ang kaligtasan sa mga komunidad.