BAGUIO CITY – Nakumpiska ang aabot sa P19.4 million na halaga ng mga marijuana sa walong turista sa magkahiwalay na interdiction operations sa Caluttit, Bontoc, Mountain Province.
Unang nakuha sa unang operasyon ang 145 piraso ng bricks at tubular forms ng marijuana na nagkakahalaga ng mahigit P16 million. Nakalagay ito sa mga malalaking karton at isinakay sa isang itim na Chevrolet kung saan sakay ang limang indibidwal.
Nagresulta ito sa pag-aresto ng mga otoridad sa mga pasaherong nakilalang sina Joseph Petilona, 35-anyos na army reservist, residente ng Angeles, Pampanga; Mark Kevin Guzman, 21, residente ng Quezon City; NiƱo Acio, 25, taga-Tabon, Angeles City; Princess Guma, 18, residente ng Anunas, Angeles City; at ang kasama ng mga ito na pitong taong gulang na ipinasakamay sa mga social workers.
Nakumpiska rin kay Petilona ang isang 9mm pistola, dalawangmagazines at 20 bala ng 9mm.
Ayon sa PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency)-Cordillera, habang ipinoproseso nila ang unang operasyon ay nakatanggap sila ng impormasyon ukol sa isa na namang grupo ng mga turista na may dala ring mga marijuana na dadaan sa nasabing kalsada.
Dahil dito, pinanatili nila ang checkpoint operation na nagresulta sa pagkumpiska nila ng 27 piraso ng mga bricks at tubular forms ng marijuana na nagkakahalaga naman ng mahigit P3.3 million.
Dito ay tatlong indibidwal na pasahero ng isang orange vehicle ang nadakip.
Nakilala ang tatlo na sina Jerald Escanillas, 22-anyos; John Vincent Santos, 20; at si Princess Diana Kling, 21, pawang residente ng Angeles City, Pampanga.
Ayon pa sa mga pulis, nabanggit ang isang nagngangalang Ryan Joe Courpin na kasama ng tatlong turista ngunit nakatakas ito.
Napag-alaman na ang dalawang grupo ng mga turista ay nagmula sa Buscalan, Tinglayan, Kalinga.
Sa ngayon, nahaharap ang mga nahuling indibidwal sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.