-- Advertisements --

Nanganganib ngayong mawalan ng walong tauhan ang Forensic Laboratory ng Public Attorney’s Office (PAO) sakaling hindi pa-veto ng Pangulong Rodrigo Duterte ang tinapyas ng Senado na pondi ng PAO Forensic Laboratory.

Ayon kay PAO Chief Persida Rueda-Acosta, ang walong empleyado ay mawawalan na ng trabaho epektibo Enero 1, 2021.

Kabilang sa nanganganib na mawalan ng trabaho ang apat na doktor ng PAO Forensic Lab, isang dentista, isang medical technologist, isang nurse at isang laboratory aide.

Dagdag ni Acosta na sa oras na hindi ma-veto ang tinanggal ng Senado na pondo ng kanilang Forensic Laboratory, mahihinto na rin ang kanilang pagtulong sa mga mahihirap na biktima ng krimen.

Ipinunto rin ni Atty. Acosta na labag sa batas ang pagtanggal sa PAO Forensic officers sa ilalim ng Republic Act 6656 Section 2.

“No officer or employee, in the career service shall be removed except for a valid cause and after due notice and hearing,” base sa section ng naturang batas.

Una nang nagpadala ng liham sa Malacañang si Atty. Acosta para hilingin kay Pangulong Duterte ang pag-veto sa pagtapyas ng Senado sa budget ng PAO Forensic Laboratory.

Partikular ang isiningit na special provision sa general appropriations act (GAA) of 2021l na nagbabawal sa PAO na gamitin nito ang kanilang Personnel Services at maintainance and operating and other expenses (MOOE).

Nakasaad sa anim na pahinang apela ni Acosta kay Pangulong Duterte na ang naturang special provision sa GAA 2021 ay unconstitutional, vindictive, arbitrary, oppressive at maituturing na unethical machinations.

Paliwanag pa ni Atty. Acosta na bilang chief executive ng PAO ay mandato niya na maibigay ang nararapat na hustisya sa milyon-milyong indigent na mga Pilipinong kliyente ng PAO.

Una na ring iginiit ng PAO chief na hindi duplication ang kanilang Forensic Laboratory dahil ang PAO ang naatasan ng gobyerno at ng Department of Justice (DoJ) na mag-imbestiga at tumulong sa pamilya ng mga batang namatay matapos maturukan ng Dengvaxia vaccine.