BAGUIO CITY – Maayos na ang kalagayan ng walong sundalong sugatan sa engkwentro sa pagitan ng militar at Abu Sayyaf group (ASG) sa Barangay Latih, Patikul, Sulu noong April 22.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Major Arvin John Encinas, spokesperson ng Western Mindanao Command (WESTMINCOM), sinabi niyang agad na naisugod sa pagamutan ang mga sugatang kawal at sa ngayon ay maayos o stable na ang kanilang kalagayan.
Tiniyak nito na ipagkakaloob ng pamahalaan ang lahat ng tulong sa mga sugatang kasapi ng 45th Infantry Battalion ng Philippine Army na naisugod sa Camp Navarro General Hospital sa Zamboanga City.
Sinabi ni Encinas na nagpapatuloy na ang hot pursuit operation ng militar laban sa bandidong grupo.
Maalalang nasawi sa nasabing engkwentro ang anim na kasapi ng ASG.
Sinabi pa ni Encinas na maayos na rin ang kalagayan ng 13 na sundalo na nasugatan sa engkwentro sa pagitan ng militar at ASG doon din sa Patikul, Sulu noong April 17.
Nagresulta ang unang engkwentro sa pagkasawi ng 12 na kawal na kinabibilangan ng limang Cordillerans.