KALIBO, Aklan – Nagbayad ng kabuuang P300,000 ang walong security guard bilang piyansa sa kinahaharap na kasong grave coercion matapos ang umano’y pagpasok sa isang hotel sa Isla ng Boracay at nanutok ng baril sa mga staff nito noong nakaraang linggo.
Ayon kay P/Lt.Col. Don Dicksie De Dios, hepe ng Malay Municipal Police Station, walang lisensiya sa pagka-guwadiya ang mga suspek na sina Conrad Ilagan, Jomar Solano, Roqui Tumbagahan, Gardie Maming, Carlos Ingo, Jomar Guevarra, Mel Jhon Fernandez, at Baldonero Torres.
Ipinangako rin ni De Dios ang masusing imbestigasyon upang hindi pamarisan ng iba lalo pa at ang mga ganitong mga pangyayari aniya ay naging banta sa seguridad ng mga hotel staff at kanilang mga guests.
Nakuha sa naarestong mga suspek ang 9mm pistol at shotgun.
Land dispute o away sa lupa ang tinitingnang motibo sa likod ng nasabing insidente.