-- Advertisements --

Anim ang tinatayang nasugatan matapos ang isang pag-atake gamit ang improvised na flamethrower sa Pearl Street Mall sa Boulder, Colorado nitong Linggo. Itinuturing naman ito bilang “targeted terror attack.” ng Federal Bureau of Investigation (FBI).

Kinilala ang suspek na si Mohamed Sabry Soliman, 45- taong gulang, na sumisigaw umano ng “Free Palestine” habang isinasagawa ang pag-atake laban sa mga demonstrador na nananawagan ng pagpapalaya sa mga Israeli hostages sa Gaza.

Nabatid na ang mga biktima ay bahagi ng grupong Run For Their Lives, na nagsasagawa ng isang kilos protesta. Ayon sa pulisya, nakapagtamo ang mga biktima ng paso at iba pang pinsala.

Samantala, sinabi ng FBI at ng Department of Justice na iniimbestigahan na nila ang insidente na may kinalaman umano sa terorismo. Wala pang opisyal na kasong isinampa ngunit tiniyak ng mga awtoridad na papanagutin ang suspek.

Matatandan na ang insidente ay kasunod ng iba pang mararahas na insidente na may kinalaman sa tensyon sa pagitan ng Israel at Hamas, na nagdulot ng pagtaas ng mga antisemitism na pag-atake sa Estados Unidos.

Nanawagan naman si Colorado Governor Jared Polis ng pagkondena sa lahat ng uri ng karahasang may kinalaman sa terorismo.