-- Advertisements --

ILOILO CITY- Halos 10 buntis ang sabay-sabay na nagpositibo sa COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) sa Lungsod ng Iloilo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Mr. Jeck Conlu, tagapagsalita ng COVID-19 task force, sinabi nito na maaari pang madagdagan ang nasabing bilang matapos isinailalim sa RT-PCR (reverse transcription polymerase chain reaction) test ang iba pang mga buntis sa lungsod.

Ayon kay Conlu, nagtalaga na ng temporary treatment and monitoring facilities at birthing facilities para sa mga buntis ang Iloilo City Government.

Kaugnay ito sa panganganak ng isang babae na COVID-19 positive sa isolation facility sa lungsod at naging viral ang video nito kung saan inireklamo ng kanyang pamilya na walang doktor ang umasikaso sa kanya.

Napag-alaman na dinepensahan ni Iloilo City Mayor Treñas ang inereklamong pasilidad dahil ito ay isang isolation facility at hindi ospital.

Una nang sinabi ng alkalde na sa Western Visayas Sanitarium sa Sta. Barbara, Iloilo, napagkasunduan tanggapin ang mga COVID positive na buntis ngunit hindi raw nasusunod ito.