Nananatiling target ng mga boksingero ng bansa ang gintong medalya sa nagpapatuloy na Southeast Asian Games 2025.
Ito ay sa kabila ng tiyak na pagkakaroon ng walong bronze medal para sa Philippine boxing team, kasunod ng mga naunang impresibong laban ng mga Pinoy boxer.
Sa kasalukuyan kasi ay sigurado na ang bronze medal para kina Hergie Bacyadan, Riza Pasuit, Nesthy Petecio, Aira Villegas, Eumir Marcial, Ofelia Magno, Jay Brian Baricuatro, at Weljon Mindoro, na pawang uusad na sa semifinals.
Ayon kay Association of Boxing Alliances of the Philippines secretary general Marcus Manalo, malaki pa ang pagkakataon ng mga Pinoy boxer na mai-angat ang kanilang medalya habang nagpapatuloy ang kanilang pag-eensayo bago ang mga nakatakdang mas mataas na laban.
Umaasa ang opisyal na magagawa ng mga boksingero na duminahin ang bawat laban, patungo sa silver o gold finish.
Maliban sa walong nabanggit na boksingero, maraming iba pang Filipino boxer ang naghihintay sa kani-kanilang laban.
Ang iba rito ay naghahangad pang makapasok sa semis kung saan tiyak na ang tansong medalya.











