-- Advertisements --

Ipinag-utos ng Department of Agriculture (DA) ang pagbabawal sa pag-aangkat ng manok at iba pang poultry products mula sa walong bansa.

Sa magkahiwalay na memorandum orders, sinabi ni Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban na sakop ng pansamantalang pagbabawal ang mga domestic at wild birds at ang kanilang mga produkto, kabilang ang poultry meat, day-old chicks, at semen mula sa Poland, Ireland, Denmark, Czech Republic, Chinese Taipei, Ecuador , Moldova, at Peru sa gitna ng pagsiklab ng avian influenza.

Ipinag-utos ni Panganiban ang agarang pagsuspinde sa pagproseso, pagsusuri ng aplikasyon, at pag-iisyu ng sanitary and phytosanitary (SPS) import clearance sa mga apektadong bilihin.

Inatasan din niya ang mga kinauukulang awtoridad na tiyaking makumpiska ang lahat ng kargamento mula sa mga bansang nabanggit.

Aniya, ang mga opisyal na ulat na isinumite ng Taipei, Ecuador, Moldova, at Peru sa World Organisation for Animal health (WOAH) ay nakumpirma rin na ang paglaganap ng Highly Pathogenic Avian Influenza virus ay nakita sa kanilang mga alagang ibon.

Sinabi niya na ang Chief Veterinary Office ng Veterinary Services ng Department of Agriculture Food and the Marine of Ireland ay nag-ulat din noong Disyembre 3, 2022 ng isang outbreak ng nasabing virus.

Kaya naman, mahigpit ang ginagawang pagsiyasat ng naturang ahensya upang hindi ito makapasok at makakaapekto sa poultry supplies at agrikultura ng ating bansa.