-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nasa kritikal na kondisyon ang isang 8-anyos na bata matapos na mahagip ng pampasaherong jeep sa FN Dy Boulevard sa San Fermin, Cauayan City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, patungo sa Poblacion Area ang jeep ngunit nang makarating sa FN Dy Boulevard ay natagis ang bata.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na tumawid umano ang ina ng bata sa highway subalit hindi nito napansin na sumunod ang kanyang anak.

Bigla umanong tumakbo ang bata kaya hindi na nakaiwas ang tsuper ng jeep na si Junel, 26-anyos at residente ng Bustamante, Luna, Isabela.

Nagtamo ng matinding tama sa ulo ang bata na agad namang itinakbo sa pribadong pagamutan ng tsuper ng nakatagis na jeep habang wala namang nasugatan sa mga pasaherong sakay ng jeep.

Kusa namang sumuko ang driver sa Cauayan City Police Station na posibleng maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Serious Physical Injury.

Sa ngayon ay inilipat na ang bata sa Southern Isabela Medical Center sa Santiago City.

Patuloy ang paalaala ng pulisya sa mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak lalo na kung tatawid ng kalsada upang makaiwas sa aksidente.