Pinaghahanda na ngayon ng mga kinauukulan ang publiko pahinggil sa posibleng maging epekto ng mararanasang pagtuyot sa malaking bahagi ng Pilipinas sa susunod na taong 2024.

Ito ay matapos na iulat ng Department of Science and Technology na sa susunod na taon ay posibleng makaranas ng tagtuyot ang nasa 77% o 65 probinsya sa buong bansa.

Ayon kay DOTS Secretaray Renato Solidum, makakaranas ng hanggang 41 degrees centigrade na maximum temperature ang buong Northern Luzon pagsapit ng buwan ng Abril o Mayo ng susuno na taon na posible pang madagdagan ng hanggang 5 to 15 degrees kung pagsusumahin pa ang maitatalang heat index doon.

Kung maaalala, kaugnay nito ay una nang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbuo ng Task Force El Nino na inatasan naman niyang tutugon pagdating sa paghahanda ng pagkain, tubig, at energy supplies para sa inaasahang paparating na drought season.

Bahagi ito ng national action plan ng bansa na layuning tiyakin na mayroon sapat na supply ng tubig at enerhiya upang maiwasan naman ang pagkakaroon ng mga power losses.

Bukod dito ay inatasan din ang naturang task force na tutukan ang kaligtasan at seguridad ng publiko laban sa sunog, heat-related illnesses, at lalo na sa mag posibleng maging epekto sa pagkain at food supply ng matinding init na inaasahang mararanasan sa bansa, lalo na’t ang industriya ng agrikultura naman ang pangunahing maaapektuhan ng naturang severe weather conditions na ito.