LEGAZPI CITY – Bagsak sa kulungan ang 72-anyos na lolo matapos na magnakaw sa Kingdom Hall Church sa Brgy. Banacud, Magallanes, Sorsogon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Capt. Rony Elpos, hepe ng Magallanes PNP, mismong ang caretaker at pastor ng simbahan ang nagpaabot ng reklamo na pinasok ang establisyemento at ilang mga gamit ang nawawala.
Agad namang nagsagawa ng imbestigasyon at hot pursuit operation ang mga otoridad na nasa pagpapatrolya kung saan nadakip ang suspek na tubong Minalabac, Camarines Sur.
Napag-alamang nilagari ng suspek ang bintana ng simbahan at kinuha ang flat screen TV na nagkakahalaga ng P50,000 at mga perang donasyon na aabot sa P2,000.
Narekober pa sa posisyon ng suspek ang mga ginamit nito sa krimen.
Nakatakda na rin na sampahan ng karampatang kaso ang naturang suspek.










