KORONADAL CITY – Tinanggihan ng ospital na ma-confine ang isang pitong taong gulang na batang lalaki na nalapnos ang katawan matapos masunog sa bayan ng Tupi, South Cotabato dahil umano sa delikadong sitwasyon dulot ng COVID-19 pandemic.
Ito ang inihayag ni Jinky Gule, ina ng bata na residente ng Sitio Dataltah, Barangay Acmonan, Tupi, South Cotabato sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Jinky, nilapatan naman ng lunas, ang kanyang anak ngunit iminungkahi ng doktor na sa bahay na lamang ito magpagaling.
Sa ngayon sobrang sakit pa rin ang nararamdaman ng bata na hindi makatulog at may mga pagkakataon pang ito ay nilalagnat kung saan hirap din sa paggalaw ang biktima.
Kaugnay nito humhingi ng tulong ang mga magulang ng bata na sina Jinky at Rolan Gule ng tulong sa pagpapagamot at pagkain ng kanilang anak dahil wala silang trabaho dulot ng lockdown.
Napag-alaman na isinama ng kanyang ina sa bukid ang anak na si Jay Mark dahil abala sa pagsusunog ng mga damo sa pataniman nila ng mais, inakala ng ina na naglalaro lamang ang kanyang anak.
Hindi nito namalayan na umakyat na pala ang anak sa mas mataas ng bahagi ng bundok at nawalan ng balanse na naging sanhi para ito mahulog at pagulong-gulong na bumagsak sa mga nakasinding tuyo na dahon ng niyog.