KORONADAL CITY – Kinumpirma ng isang Pinoy biomedical scientist sa Switzerland na pitong kababayan ang nagpositibo sa COVID-19 doon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Bombo International Correspondent Ryan Jose Ruiz III, tubong Sta. Cruz, Koronadal City at kasalukuyang nagtratrabaho bilang biomedical scientist sa WHO sa Geneva, Switzerland, inihayag nito na apat sa pitong kapwa Pinoy na nagpositibo ay nakarekober na habang ang dalawa ay kailangan na sumailalim muli sa COVID testing.
Isang Pilipina naman aniya ang binawian ng buhay sa gitna ng COVID-19 pandemic subalit natukoy sa isinagawang test dito na negatibo ito sa naturang sakit.
Samantala, sinabi ni Ruiz na nagpapatuloy pa rin ang kanilang isinasagawang clinical trials sa COVID-19 vaccine.
Posible umanong matagalan pa ito dahil marami pang prosesong kailangan na pagdaanan para matiyak ang bisa nito.