-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nakatakdang isailalim sa stress debriefing ang pitong menor de edad na nakasaksi sa kahindik-hindik na masaker sa tatlong miyembro ng kanilang pamilya sa Prk. Lambukon, Barangay Canajay sa bayan ng Surallah, South Cotabato.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal sa nagngangalang Jimmy “Ebod” Castigador, labis aniya ang trauma na nararanasan ng mga bata matapos makita ang pagpatay sa kanilang lolo at lola Benedicto at Japelina maging ang pagpatay din nito kay Victoria.

Isinakripisyo aniya ni Japelina ang kaniyang sarili upang makatakbo palabas ang mga bata sa takot na baka madamay sila sa galit ng suspek na may bitbit na gunting.

Samantala, inilarawan ni Castigador na parang babalatan umano ng buhay ng mga kaanak ng biktima ang kaniyang bayaw at suspek na si John Jobert Donis matapos ang ginawa nitong krimen.

Bagama’t nagsisisi na si Donis sa kaniyang ginawa, desidido pa rin ang kaniyang mga kaanak na sampahan ito ng kasong multiple murder.

Nabatid na lasing at “paranoid” ang estado ng suspek nang ginawa nito ang pagpatay sa mga biktima.