-- Advertisements --

I-tinurnover na sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD-7) ang pitong mga menor de edad matapos nasagip ang mga ito sa isinagawang anti-child pornography operation sa Brgy. Luz nitong lungsod ng Cebu.

Ikinasa ang operasyon sa bisa ng search warrant na pinangunahan ng Regional Anti-Cybercrime Unit, Department of Social Welfare and Development, at Department of Justice na humantong naman sa pagkaaresto ng hindi na pinangalanang babaeng suspek.

Ang mga nasagip ay may edad 17 pababa kung saan apat ang lalaki at tatlo ang babae kabilang ang isang apat na buwang gulang na sanggol.

Matagal na umanong sinubaybayan ng mga otoridad ang suspek mula noong 2020 pero tumigil ito sa ilegal na aktibidad sa kasagsagan ng pandemya. Gayunpaman, ipinagpatuloy nito ang aktibidad kamakailan lang.

Lumabas pa ang pangalan ng suspek sa mga unang naaresto sa nakaraang operasyon hinggil sa cyber sex.

Base sa inisyal na ulat, ibinenta pa umano ng suspek sa mga dayuhang customer ang mga hubo’t hubad na larawan ng mga biktima.

Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9775 o Anti-Child Pornography Act of 2009, paglabag sa Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 at paglabag sa Republic Act 10364 Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.