KORONADAL CITY – Umaabot sa 5,000 residente ng Koronadal City ang apektado ng labis na pagbaha sa loob ng anim na oras sa lungsod simula kaninang madaling araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Koronadal City Administrator at City Disaster Risk Reduction and Management Officer Cyrus Jose Urbano, pinakaapektado sa pagbaha ay ang Barangay Zone 1, Zone 2, Zone 3, Barangay GPS, Barangay Morales, pati na ang national highway nitong lungsod.
Napag-alaman na pinasok ng baha ang mga bahay na umabot sa lampas tuhod habang nasira naman ang pitong bahay sa Barangay Morales.
Dito na pinalikas ang mga nakatirang pamilya habang may naitalang landslide naman sa Bulol Mala na isang mataas na area sa Koronadal.
Sa ngayon nagpapatuloy ang clearing operation sa lungsod at makulimlim pa rin ang kalangitan na tila nagbabadya sa muling pagbuhos ng ulan.