LEGAZPI CITY- Nahuli na ng mga otoridad ang itinuturong mastermind sa pagnanakaw at pagpatay sa isang public school teacher sa Catanduanes sa isinagawang operasyon sa Quezon City.
Kinilala ang suspek na si Bernardo Asanza 65-anyos, na dating isang jail warden at itinuturong nagplano sa panloloob sa bahay ng biktimang si Mel Rose Baloloy, Nobyembre 4 noong nakaraang taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Police Major Edgar Clerigo tagapagsalita ng Catanduanes Police Provincial Office, natunton ang lokasyon ng suspek na nagtatago sa Quezon kung kaya’t agad na nakipag-ugnayan ang kanilang mga taohan sa Cubao PNP upang hulihin si Asanza.
Matagumpay naman itong nahuli na agad na dinala sa kustodiya ng Caramoran PNP upang harapin ang kasong Robbery with Homicide.
Maalalang isa si Asanza sa tatlong suspek na nagnakaw at nanaksak sa biktimang guro kung saan nasaksihan pa ng 13-anyos na anak ng biktima ang karumal-dumal na krimen.
Nauna na rin naaresto noong nakaraang taon ang dalawang kasamahan ng suspek.










