Sinimulan na raw ng Marikina City government ang mass testing sa tinatayang 6,000 tricycle drivers ng lungsod na balik kalsada dahil sa modified enhanced community quarantine.
Sa isang panayam, sinabi ni Mayor Marcelino Teodoro na isinasailalim nila sa rapid test ang naturang mga driver bilang precautionary measure.
Nilinaw ng alkalde na hindi naman mandatoryo o kondisyon bago payagang bumiyahe ang testing.
Batay sa huling datos ng Marikina LGU, may tatlong driver mula sa 1,000 na tinest nitong Lunes na nag-positibo sa rapid test.
Pinag-quarantine na raw ang mga ito, at inihahanda para sa confirmatory testing gamit ang RT-PCR kits na “gold standard” ng World Health Organization.
Tatagal hanggang Biyernes ang testing ng lungsod sa mga tricycle driver, pero ngayon pa lang ay pinaghahandaan na raw ng Marikina ang treatment sa mga magpo-positibo at contact tracing.
Ayon kay Teodoro, isasailalim din sa test ang mga nagta-trabaho sa palengke at groceries, pati na mga empleyado sa shoe industry ng lungsod.
Nasa 149 ang confirmed cases ng Marikina noong Lunes, May 18.