-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Inaresto ng pulisya ang anim na katao dahil sa kanilang kinakaharap sa kaso sa ibat-ibang bayan at lungsod sa Isabela noong nakaraang linggo.

Kabilang sa mga naaresto ang tatlong most wanted person municipal level at isang city level at provincial level.

Unang nadakip sa isang bahay kainan sa District 1, Cauayan City ang number 7 most wanted person municipal level sa bayan ng Aurora na itinago sa pangalang Gracia, 31 anyos,may asawa, isang cook/waitress, tubong Diamantina, Aurora, at pansamantalang naninirahan sa Sillawit, Cauayan City.

Siya ay dinakip ng pinagsanib na puwersa ng Aurora Police Station at Cauayan City Police Station sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Bernabe Mendoza ng RTC Branch 23 Roxas, Isabela dahil sa kasong qualified theft.

Ikalawang nadakip naman sa barangay Cabaruan, Cauayan City ang number 5 most wanted person provincial level at Number 2 City Level dahil sa kanyang kinakaharap na four counts of rape si Eldeponzo Viernes, 35 anyos, binata, helper at residente ng Minante 2, Cauayan City, Isabela.

Walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ni Viernes.

Samantala, dinakip ng mga kasapi ng Cabatuan Police Station si Romeo Aquino, 38 anyos, may asawa, magsasaka, residente ng Purok 4, Saranay, Cabatuan, Isabela

Siya ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Hukom Raul Babaran ng RTC Branch 19 Cauayan City sa kasong homicide.

Dinakip naman ng mga kasapi ng Mallig Police Station ang number 1 most wanted person Municipal level na si Felipe Guillermo Jr, 55anyos, may asawa, magsasaka at residente ng Brgy. San Pedro, Mallig, Isabela.

Inaresto si Guillermo sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Bernabe Mendoza, ng RTC branch 23, Roxas, Isabela dahil sa kasong murder.

Walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ni Guillermo.

Inaresto naman si Fred Bumacod,48 anyos, Number 10 most wanted person municipal level ng Sual, Pangasinan ng mga kasapi ng Divilacan Police Station sa Brgy. Dimapula, Divilacan, Isabela.

Ang suspek ay sa bisa ng mandamiento de arresto na ipinalabas ni Judge Maria Laarni Parayno ng RTC Branch 68 Pangasinan sa kasong pangagahasa.

Makakalaya pansamanta ang suspek kapag naglagak ng piyansang P200,000.00.