Anim na Pinoy na kabilang sa isang pamilya ang nagpasya na bumalik sa Gaza City habang patuloy silang naghihintay ng pagkakataong makatawid sa hangganan ng Rafah patungong Egypt.
Sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega, bumalik sila sa Gaza City kung saan nagkakaroon sila ng space limitation sa isang flat.
Matatandaan na noong Oktubre 15, inilagay ng DFA ang Gaza City sa ilalim ng Alert Level 4 bilang paghahanda sa posibleng ground offensive ng mga pwersang Israeli laban sa mga militanteng Hamas.
Sinabi ng ahensya na ang ilang mga Pilipino ay matatagpuan malapit sa Rafah border crossing malapit sa Egypt, habang ang iba ay umalis sa hilagang Gaza na inaasahang magiging pangunahing lugar para sa labanan.
Ayon sa DFA, may 136 na Pilipino ang nasa Gaza.
Karamihan sa kanila ay naghihintay sa pagbubukas ng hangganan ng Rafah upang tumawid sa Egypt.
Nauna nang inihayag ni De Vega na isinama ng mga opisyal ng Pilipinas ang mga pangalan ng mga Palestinian na asawa ng mga Pilipino sa listahan ng mga nagbabalak na umalis sa Gaza at tumawid sa Rafah border.