-- Advertisements --

Inihayag ng progresibong organisasyon ng manggagawa na Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pagpapalaya sa anim na miyembro nito na kilala rin bilang “Mayo Uno 6.”

Ang anim na miyembro nito ay inaresto noong Mayo 1 habang nagpoprotesta sa United States (US) Embassy laban sa nagpapatuloy na Balikatan Exercises.

Binigyang-diin ng grupo na ang anim na indibidwal na naaresto ay mapayapang nagpoprotesta para sa tunay na kalayaan at laban sa anila’y panghihimasok ng Estados Unidos sa ekonomiya, pulitika, at usaping militar ng Pilipinas.

Samantala, ang progresibong grupong Anakbayan naman na vocal sa sumusuporta sa panawagan ng KMU ay nagpahayag ng kagalakan sa naturang anunsyo at nagpaabot ng pasasalamat sa mga taong nag-ambag sa P252,000 na piyansa ng mga ito.

Nanindigan din ang grupo sa kanilang posisyon na walang masama sa pakikipaglaban! Ang pagprotesta ay hindi krimen, at tama lamang na mabilis na ibasura ang mga gawa-gawang kaso laban sa Mayo Uno 6.

Nangako rin ang grupo na mananagot ang mga lumabag sa karapatan ng Mayo Uno 6.