-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nasugatan ang anim na katao matapos bumaliktad sa palayan ang isang SUV na nag-overtake sa isa pang sasakyan sa Provincial Road, Purok uno, Barangay Balintocatoc, Santiago City.

Sa nakuhang impormasiyon ng Bombo Radyo Cauayan, ang nagmamaneho ng SUV ay si Abdul Jaman Delion, 41 anyos, negosyante habang ang limang lulan ng sasakyan ay sina Wahida Delion, 41 anyos; Jawad Abdul Jamal Delion; 20 anyos, estudyante; Jamid Delion, 17 anyos, isa ring estudyante; Sohayla Delion, 34 anyos, negosyante at Warda Mangun Sampaco, 42 anyos, vendor na pawang mga residente ng Poblacion Norte, Maddela, Quirino.

Lumalabas sa pagsisiyasat ng Traffic Group, patungo sa lungsod ng Santiago ang magkakamag-anak na sakay ng SUV.

Nang makarating sa lugar ng pinangyarihan ng aksidente ay nag-overtake ang SUV sa isang tricycle ngunit nang bumalik sa kanyang kaniyang linya ay nawalan ng control sa manibela si Delion at nabangga nito ang barikada sa gilid ng kalsada bago bumaliktad at dumiretso sa palayan.

Nagtamo ng sugat ang mga sakay ng SUV subalit tumanggi na silang madala sa pagamutan gayunman nilapatan pa rin sila ng lunas ng mga tumugon na kasapi ng Rescue 1021.

Nagbigay paalala ang pamunuan ng Traffic Group sa mga motorista na maging maingat at siguraduhing laging nasa kondisyon ang sasakyan bago ibyahe upang maiwasan ang aksidente sa daan.