-- Advertisements --

Nilinaw ni Agoncillo, Batangas Mayor Daniel Reyes na nakikipag-ugnayan na ang kanyang lokal na pamahalaan sa provincial government kaugnay ng anunsyo ni Gov. Hermilando Mandanas na lifted na ang lockdown sa mga lugar na hindi sakop ng 7-kilometer danger zone ng bulkang Taal.

Nitong umaga nang magkalituhan ang mga residente at otoridad na nagbabantay sa bukana ng bayan dahil window period pa rin ang ipinatutupad ng Agoncillo LGU.

Ibig sabihin, sa loob ng limitadong oras lang maaaring maglabas-masok ang mga residente ng bayan.

Batay sa anunsyo ni Gov. Mandanas kanina, anim na barangay na lang mula sa mga bayan ng Agoncillo at Laurel ang hindi pa rin maaaring uwian ng mga residente.

Kabilang dito ang mga barangay ng Bilibinwang, Subic Ilaya, Banyaga, Gulod, Buso-Buso at Bugaan East.

Nananatili naman ang permanent lockdown sa limang barangay na sakop ng tatlong bayan sa loob ng mismong volcano island.

Kabilang sa mga ito ang barangay ng San Isidro at Sitio Tabla ng Talisay; Brgy. Alas-as at Pulang Bato ng San Nicolas; at Brgy. Calawit ng Balete.

Una ng sinabi ni Vice Gov. Mark Leviste na plano nilang i-relocate sa bayan ng Ibaan ang nasa 10,000 residente ng isla dahil mapanganib na itong tirhan ng tao.

Sinabi naman ni Joint Task Force Taal commander B/Gen. Marceliano Teofilo na maraming residente na mula sa evacuation centers ang nakauwi.

Pero napagkasunduan daw ng mga otoridad na panatilihing bukas ang ilang evacuation centers para magkaroon ng option ang mga residenteng maglilinis pa ng kanilang mga bahay.

Patuloy naman din umano ang pamimigay ng DSWD ng relief goods sa mga umuuwing residente.