-- Advertisements --
ILOILO CITY – Patay ang anim na taong gulang na bata matapos malunod sa swimming pool ng isang hotel sa Smallville Complex, Benigno Aquino Ave, Mandurriao, Iloilo City.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PSSg. William Dilay, ama ng biktima, sinabi nito na kasama ng kanyang anak na naliligo sa pool ang tatlong taong gulang na kapatid at kanilang ina.
Umakyat umano ang ina upang ihatid ang tatlong taong gulang na kapatid ng biktima.
Ngunit makaraan ang ilang saglit, nagulat na lang ang mga tao na may batang nakalutang sa pool.
Ayon sa ama, natagalan pa bago naisugod sa ospital ang kanyang anak dahil binigyan pa ito ng first aid ng mga rumespondeng personnel ng hotel.
Plano naman magsampa ng kaukulang kaso ng ama laban sa management ng hotel.