-- Advertisements --

Inakusahan ng United Nations ang Israel na hinaharang nito ang tulong na para sa mga Palestinians sa Gaza. 

Sa pagtatantsa ng UN, nasa mahigit kalahating milyon na ang nanganganib na makaranas ng famine o ng matinding pagkagutom dulot ng kawalan ng pagkain. 

Ang pangambang ito ng UN ay kasunod ng pagpapaputok ng Israeli forces sa lugar na pinagkukunan ng mga Palestinian ng pagkain. 

Hindi pa matukoy kung mayroong nasawi o nasugatan sa nangyaring pagpapaputok.

Ayon kay UN humanitarian agency deputy chief Ramesh Rajasingham, aabot sa 576-K na mga tao sa Gaza ang makararanas ng famine. Binigyang diin din nito na isa sa anim na mga bata na may edad dalawa pababa ang mayroong acute malnutrition.

Dagdag pa nito, ang 2.3-M na Palestinian ay umaasa na lamang sa kakaunting pagkain na tulong para mabuhay. 

Ayon din sa UN, hina-harass at ikinukulong ng Israeli forces ang mga humanitarian worker na nagdadala ng tulong sa Gaza kaya naman hindi makapagpadala ang UN ng sapat na pagkain para sa mga tao rito.