
Pumalo na sa kabuuang 54 na mga kaso ng Omicron subvariant XBB.1.9.1 ang na-detect ng Department of Health sa Pilipinas.
Ito ay mula sa 39 na mga kaso ng XBB.1.9.1 subvariant ng Omicron na naitala sa bansa mula noong Abril 3 hanggang 11 base sa sequenced samples na isinagawa ng University of the Philippines-Philippine Genome Center.
Batay sa pinakahuling COVID-19 biosurveillance report ng kagawaran, ito ay dahil sa tumataas na global prevalence at mas mataas na growth advantage sa bansa.
Ang XBB.1.9.1 ay isang XBB sublineage na naidagdag kamakailan lang sa listahan ng mag variants na mahigpit na binabantayan ng World Health Organization.
Ayon sa DOH, na-detect ang naturang subvariant sa 63 mga bansa sa iba’t-ibang panig ng mundo at walang anumang pagkakaiba sa kalubhaan ng sakit at clinical manifestations kumpara sa orihinal na variant ng Omicron batay sa magagamit na ebidensya.










