Umaabot sa kalahati ng lahat ng pamilyang Pilipino ang iniuri ang kanilang sarili na mahirap noong Marso ng kasalukuyang taon batay sa isinagawang survey ng Social Weather Stations (SWS).
Isinagawa ang naturang survey mula Marso 26 hanggang 29 ng kasalukuyang taon sa face to face interviews sa 1,200 Pilipino edad 18 pataas sa Metro Manila, balance Luzon, Visayas at Mindanao.
Nasa 51% ng pamilyang Pilipino ang iniuri ang kanilang sarili bilang mahirap o katumbas ng 14 million pamilya.
Walang gaanong pagbabago kumpara sa 12.9 million pamilya na nagsabing mahirap sa isinagawang survey noong Disyembre.
Paliwanag ng SWS, upang makuha ang tinatayang bilang ng Self-rated poor families, ang porsyento ng respondent households na iniuri ang kanilang sarili bilang mahirap ay inilapat sa Philippine Statistics Authority medium-population projections para sa taong 2023 at 2022.
Ayon pa sa SWS, ang steady percentage sa self-rated poor sa buong bansa ay resulta ng pagtaas sa National Capital Region at Visayas, pagbaba sa Balance Luzon at steady na bilang sa Mindanao.
Samantala, nasa 30% naman ang nagsabi na sila ay nasa “borderline” habang nasa 19% ang nagsabing hindi sila mahirap.