Nakatakda raw isalang sa otopsiya sa susunod na linggo ang bangkay ng 50 katao na mga inmate ng New Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay Forensic pathologist Dr. Raquel Fortun, posibleng isagawa raw ito sa Philippine General Hospital.
Kasunod na rin ito ng pagbisita ni Fortun sa Eastern Funeral Services sa Muntinlupa City para inspeksiyunin ang nasa 166 na bangkay ng mga inmates.
Pero sinabi ni Fortun na nasa 50 katawan lamang ang sinasabing “suitable” para sa examination habang ang iba naman ay “mummified” na.
Aniya, tuyo na raw ang naturang mga bangkay at duda ito kung may makikita pa sa mga bangkay na ito.
Base sa listahan ng Bureau of Corrections, karamihan sa mga namatay na inmates ay dahil sa acute myocardial infarction o heart attack, pneumonia at cardiorespiratory arrest o ang tinatawag na sudden loss of breathing at heart function.
Ang iba naman ay namatay dahil sa umano’y cardiovascular accident habang ang isang inmate ay nagpakamatay.
Hindi naman inaalis ni Fortun ang posibilidad na mayroong foul play sa pagkamatay ng ilang inmates.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, una na niyang ipinag-utos ang otopsiya ng mga bangkay matapos mapaulat na nasa dalawa hanggang tatlong katao ang namamatay sa kada araw sa New Bilibid Prison (NBP).
Sinabi naman ni Department of Justice (DoJ) Spokesperson Mico Clavano na posibleng gumawa ng legal actions ang DoJ base na rin sa report ni Fortun kung ito ay mayroong merito.
Ang mga hindi pa nakukuhang mga bangkay sa Eastern Funeral Services ay nadiskubre matapos imbestigahan ng mga otoridad ang pagkamatay ni Jun Villamor.
Si Villamor ay kinilalalang middlemen sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.