-- Advertisements --

Aminado ang Department of Health (DOH) na may hinaharap pa ring problema ang maraming laboratoryo sa bansa kaya hindi pa rin naaabot ng mga ito ang higit 50,000 nang kapasidad sa COVID-19 testing kada araw.

Nilinaw ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na hindi kasali sa sinasabing problema ang test kits dahil sapat naman daw ang supply nito.

“There are shortages internationally. Hindi lang test kits ang kailangan ng ating laboratories, we still need a lot of supplies like mga pipets, tips, mga extraction kits. Marami tayong kailangan, hindi lang testing kits.”

Nakakaapekto rin daw ang kulang na encoders sa mga laboratoryo, sa kabila ng patuloy na hiring sa mga health human resource.

Ayon kay Usec. Vergeire, ang problema sa kulang na encoders din ang dahilan kung bakit bumabagal ang reporting ng mga datos.

“Medyo napunan natin ito, hindi na masyadong evident ang problemang ito sa mga laboratories natin.”

“Ang pilit lang nating gustong ngayong mangyari ay ma-hire sila nang specific encoders. Aside from doing the laboratory process they’re also the ones doing the encoding kaya minsan yung pagpasa ng datos sa atin may delays.”

Sa ngayon ang rated capacity o kabuuang kapasidad ng halos 70 laboratoryo sa bansa para makapag-test sa COVID-19 ay nasa higit 50,000 na raw.

Pero ang actual testing capacity o aktwal na bilang ng tests na nagagawa lang kada araw ng mga laboratoryo ay naglalaro sa 13,000 hanggang 14,000 kada araw.

“With this, mabalanse lang (sana) at ma-stabilize ang ating mga laboratory supplies, tapos makapag-hire pa tayo ng additional personnel, especially encoders for them and hopefully makakapag-ramp up tayo ng testing capacity.”