-- Advertisements --

NAGA CITY- Wala ng buhay nang matagpuan ang katawan ng isang menor de edad matapos itong aksidenteng mahulog sa Naga River sa bahagi ng Barangay Tabuco sa nasabing lungsod.

Kinilala ang biktima na isang 5-anyos na batang lalaki.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Naga kay Coast Guard Senior Chief Petty Officer Evangeline Pusing, Acting Commander ng Coast Guard Sub Station Camaligan, sinabi nito na natagpuan ang katawan ng biktima na wala ng buhay sa bahagi ng Barangay Tarusanan, Camaligan, Camarines Sur.

Aniya, nadulas ang bata kaya nahulog ito sa nasabing ilog at tuluyang nalunod, kung saan ang tanging nakakita sa insidente ay ang kalaro nitong limang taong gulang rin.

Ayon pa kay Pusing, bandang alas-3:40 ng hapon noong Hunyo 8, 2023 nang matanggap nila ang report hinggil sa insidente kaya agad rin namang silang rumesponde.

Ngunit pagsapit ng gabi, pansamantalang itinigil ang operasyon dahil na rin sa malakas na ragasa ng tubig sa nasabing ilog.

Bandang alas-6 naman ng umaga kahapon, Hunyo 9, 2023, nang muling nagsagawa ng search and rescue operation ang mga awtoridad kung saan bandang alas-9 ng umaga nang natagpuan ang bangkay ng biktima sa nasa isa hanggang dalawang kilomentro ang layo sa lugar kung saan ito nahulog.

Samantala, nakatuwang rin ng PCG sa operasyon ang Bureau of Fire Protection (BFP), City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), at 907 Auxillary.

Sa kabilang banda, nilinaw naman ng kapitan ng Brgy. Tabuco na si Hon. Elisa Carmona na hindi residente ng kanilang lugar ang biktima at bumibisita lamang ito sa kanilang lugar upang magtungo sa kaniyang lola.

Aniya, nang mangyari ang insidente, naglalaba ang ina ng menor de edad habang nagpapasada naman ng padyak ang ama nito.

Sinabi pa ng kapitan na agad namang humingi ng tulong ang kasama nitong menor de edad ngunit dahil sa malakas na agos ng tubig nahirapan ang mga awtoridad na hanapin ang bata.

Sa ngayon, panawagan na lamang ng mga opisyal na bantayang maiigi ang kanilang mga anak upang maiwasan ang katulad na insidente.