-- Advertisements --

NAGA CITY- Sugatan ang limang indibidwal matapos na mabangga ang isang kotse sa nakaparadang tricycle at motor sa National Highway, Lourdes Young, Nabua Camarines Sur.

Kinilala ang mga sugatan na sila Jacinto Siervo Jr., 44, residente ng CIW CMPD Correctional Rd., Mandaluyong City, driver ng nasabing kotse; Clara Siervo, 76-anyos; Mido Claire Siervo; Norine Siervo; at Saphia Panes, na pawang mga residente ng San Roque, Northern Samar.

Sinabi ng Camarines Sur Police Provincial Office na habang binabaybay ni Jacinto ang kahabaan ng nasabing lugar ay aksidente itong mawalan ng kontrol at nabangga ang tricycle na pag-aari ni Lourdes Hugo at isang motorsiklo na pag-aari naman ng isang Josephine Pagallaman-Rull na nakaparada lamang sa gilid ng kalsada.

Nahulog sa kanal ang kotse at ang tricycle dahilan upang magtamo ng sugat sa ibat-ibang parte ng kanilang katawan ang driver at mga pasahero ng kotse.

Samantala, agad naman na dinala sa ospital ang mga sugatan para sa asistensya medikal.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.