Patay ang limang magkakamag-anak habang tatlo naman ang sugatan sa nangyaring karambola ng tatlong sasakyan sa Crossing Sulit Barangay Sulit, Polomolok, South Cotabato
Ito ang inihayag ni Police Lt. Col. Verlin Pampolina, hepe ng Polomolok PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Hindi na nakaligtas pa ang mga nasawing biktima ng naturang aksidente na kinilala ng mga pulisya na sina Emily Badilla, Shirley Lagos Badilla, Ailene Valencia Badilla na idineklarang dead on the spot habang sa ospital na binawian pa ng buhay sina Leah Toble Badilla at Lorlyn Olilia Badilla na pare-parehong sakay ng pick-up at pawang mga residente ng Arakan, North Cotabato.
Samantala, sugatan naman ang driver ng pick-up na kinilalang si Alex Badilla, 54 anyos at ang driver ng cargo truck na sinalpok nito na kinilalang si Paquito Costan Dalipe, 60-anyos na residente ng Barangay Apopong, General Santos City.
Sa imbestigasyon ng Polomolok PNP, nag-overtake ang pick-up sa isang sasakyan at hindi nito namalayan na may lumilikong cargo truck dahilan para mabangga ito.
Maliban sa mga sasakyang sangkot sa aksidente, nadamay din ang isang motorsiklo ngunit nakaligtas naman ang driver nito.
Nakatakda naman na sampahan ng kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide ang driver ng cargo truck dahil sa nangyaring aksidente .