Limang passport application sites ang binuksan ngayong araw ng Department of Foreign Affairs sa loob ng limang malls sa Metro Manila para na rin masolusyunan ang backlog at makapag-accommodate ng mas marami pang aplikante.
Ayon kay DFA Usec. Brigido Dulay, matatagpuan ang mga temporary offsite centers sa SM Mall of Asia, SM North Edsa, SM Aura, Robinson’s Place Las Pinas at Robinson’s Magnolia.
May plano rin aniya sila na magbukas ng mas marami pang sites sa labas ng National Capital Region Plus, hindi lamang sa Metro manila pero maging sa Bulacan, Cavite, Laguna at Riza.
Sa kasalukuyan, operational na aniya ang mga temporary passport venues na kanilang binuksan ngayong araw.
Nabatid na magmula nang tinamaan ng COVID-19 pandemic ang bansa, maraming mga passport applicants ang nakaranas ng delays sa kanilang application o nahihirapan sa pagkuha ng appointment para sa renewal ng kanilang application.
Ayon kay Dulay, ang bawat offsite consular sites ay mag-operate mula Lunes hanggang Sabado, at mayroong kapasidad na tumanggap ng nasa 500 appointments kada araw.
Ang mga slots na ito ay bukod pa sa 177,500 daily passport applications na natatanggap ng consular offices ng DFA sa buong bansa at sa main office nito sa Pasay City.










