-- Advertisements --

Nakatakdang mag-courtesy call kay President-elect Bongbong Marcos ang ilan pang mga foreign ambassadors karamihan mula sa Europa ngayong linggo.

Kinumpirma ng kampo ni Marcos Jr na nasa limang ambassadors ang nakipagkita nitong June 10 kay BBM sa kaniyang headquarters sa Mandaluyong City.

Kabilang sa mga envoy na nakipagkita kay Marcos ay sina Ambassador Gustavo Gonzales, United Nations (UN) Representative to the Philippines, Ambassador Annika Thunkera of Sweden, Ambassador Charles Brown of the Holy See, Ambassador William Carlos of Ireland, at Ambassador Alain Gaschen ng Swiss Confederation.

Ibinahagi ng Sweden envoy na napag-usapan nila ni President-elect BBM ang hinggil sa rule of law, war on drugs at human rights.

Natalakay naman ng UN envoy sa kaniyang courtesy call kay BBM ang hinggil din sa human rights, kapayapaan at climate change.

Isinagawa ang naturang pagpupulong mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali.

Nauna ng nag-courtesy call ang ambassadors mula sa Spain, Germany at Morocco kay incoming President Marcos kung saan nito lamang nakaraang Huwebes nakipagkita naman si Marcos sa top official ng Amerika na si Deputy Secretary of State Wendy Sherman.