Inanunsiyo ng Department of Justice (DOJ) na natanggap na nila ang appointment papers ng limang senior officials mula sa Malacañang.
Kabilang dito ang appointments nina Undersecretaries Deo Marco, Jose Cadiz Jr., Jesse Andres, Nicholas Ty, at Geronimo Sy.
Si Usec. Marco ay nagsilbing undersecretary ng DOJ sa ilalim ng termino ni dating secretary at ngayon ay Solicitor General Menardo Guevarra.
Ilan sa sinupervised nito ang attached agencies gaya ng Bureau of Corrections (BuCor) na tinukoy ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla bilang isa sa problematic offices ng departamento.
Si Usec. Sy naman ay isang senior prosecutor sa DOJ habang si Usec Nicholas Ty naman ay na-promote matapos magsilbing assistant secretary sa nagdaang administrasyon.
Si Usec. Andres naman ay nanungkulan bilang chief of staff ng dating Vice President Noli de Castro.
Pinalitan nina Andres, Sy, at Cadiz sina dating Undersecretaries Adrian Sugay, Emmeline Aglipay-Villar at Jon Salvahan.