-- Advertisements --

Hindi malabong maabot ang 5 hanggang 6 percent growth target ng economic managers ng Duterte administration para sa kasalukuyang taon, ayon sa beteranong ekonomista na si House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda.

Ito ay kung wala rin aniyang mangyari pang hindi kanais-nais sa final quarter ng 2021 kasunod nang gross domestic product (GDP) growth noong second quarter na pumalo sa 12 percent at sinundan pa ng 7.1 percent growth pagsapit naman ng third quarter.

Nakikita ni Salceda na handa na para maka-rebound ang ekonomiya ng Pilipinas dahil na rin sa pagbaba ng COVID-19 numbers, pinabuting vaccination efforts, at adjustments sa mga lugar ng trabaho.

Pero babala ni Salceda na kasabay nang pagbangon ng ekonomiya ay ang posible namang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, na maaring maging problema dahil kadalasan ay nahuhuli naman ang employment at wage recovery.

Gayunman, kumpiyansa siya na makakatulong ang monetary policy tools na nakalatag sa ngayon upang sa gayon ay sanggain ang inflation.

Umaapela rin siya sa Department of Agriculture, Department of Transportation, Department of Public Works and Highways, at sa Department of Interior and Local Government na iwasan na magkaroon ng congestion sa mga pantalan, expressways, paliparan at iba pang conduit points para hindi rin magkaroon ng pagka-antala sa supply.