-- Advertisements --

LAOAG CITY – Aabot umano sa lima hanggang sampung pulgada ang kapal ng yelo dahil sa snow storm na nararanasan sa New York City, USA.

Ito ang sinabi sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Bombo International News Correspondent Ronie Lumauag Mataquel mula sa New York City.

Ayon kay Mataquel, hindi na madaaanan ang mga ibang parte ng kalsada dahil sa kapal ng yelo kung saan hindi na rin umano kinaya ng mga city workers na linisin ito.

Inihayag rin nito na 420 na kabahayan sa New York ang nawalan ng suplay ng kuryente ngunit dahil sa agad na pagresponde ng mga otoridad ay naibalik rin ito.

Maliban dito ay mayroon pa umanong generator set na ibinahagi ng pamahalaan sa mga housing project.

Sinabi pa ni Mataquel na maliban sa kanilang lugar, mas malala pa umano ang kakapal ng yelo sa ibang lugar na aabot sa 10 hanggang 15 inches.

Inibahagi rin ni Mataquel na inabot siya ng hanggang dalawang oras sa paglilinis ng yelo sa harap ng kanilang bahay.

Una nang sinabi nito na wala namang nangyayaring panic buying sa nasabing estado ngunit mahigpit ang paghahanda nila kung saan napaalalahanan ang mga tao na limitahan ang paglabas ng bahay.

Samantala, hindi rin aniya ito ang unang pagkakataon na maranasan ito dahil mas malala umano ang nangyari noong 2003 kung saan inabot sa tatlong araw ang paglilinis nila para maalis ang yelo.

Una nang nagdeklara na ng state of emergency ang tri-state na New York, New Jersey, Maine, at ilang parte ng Maryland.