Inaprubahan na ng U.S. House of Congress ang pondo para sa mga naghihirap na ospital at bilang tulong na rin sa maliliit na mga negosyong naapektuhan ng coronavirus pandemic.
Sa botong 388-5 ay ipinasa na ng mga mambabatas ang naturang pondo. Hihintayin na lamang na pirmahan ito ni President Donald Trump.
Una nang nagsabi ang presidente na nakahanda itong pirmahan ang panukala.
Hindi naman bumoto rito sina Democratic Rep. Alexandria Ocasio-Cortez, Republican Reps. Thomas Massi, Jodie Hice, Ken Buck at Andy Biggs.
Ang $484 billion o halos P24 trillion na panukalang ito ay magbibigay ng karagdagang pondo para sa Paycheck Protection Program.
Papayagan ng American government na umutang ang mga negosyo para siguraduhin na 75% nito at mapupunta sa mga empleyado na patuloy makatatanggap ng kanilang sweldo.
$60 billion naman ang itatabi para sa mga community-based lenders, maliliit na bangko at credit unions upang tulungan na umiwas ang maliliit na bangko sa paghingi ng tulong mula sa malalaking bangko.
Nakatakda ring tulungan ng panukalang ito na muling buhayin ang Small Business Administration disaster loan.