CEBU CITY- Nakiisa ang mga Cebuano sa pagdiriwang ng ika-453rd founding anniversary ngayong araw, Agosto 6, sa lalawigan ng Cebu.
Ngayong araw ay isang special non-working holiday para sa buong Lalawigan at saklaw din ang highly urbanized at component cities na Mandaue City, Cebu City at Lapu-Lapu City.
Itinuturing itong isang simbolikong selebrasyon ngayong taon dahil ito ang kauna-unahan mula nang tumama ang Covid-19 pandemic noong 2020.
Pinangunahan nina Cebu Gov. Gwendolyn Garcia at Vice Gov. Hilario Davide III ang nasabing aktibidad.
Para sa month-long celebration ngayong taon, layunin ng pamahalaang panlalawigan na isulong ang pagbabalik sa normal sa pamamagitan ng tradisyonal at ‘normal’ na mga aktibidad.
Sa naging talumpati ni Garcia, muli nitong inalala ang mga pinagdadaanan ng Cebu mula nang nagsimula ang pandemya hanggang sa pagtama ng mga kalamidad.
Inalala din ng gobernadora ang isyu sa lockdown at optional na pagsusuot ng facemask kung saan naging mainit na usapin sa bansa.
Sinabi pa ni Garcia na kahit pa man noon na nagkaroon ito ng personal na problema dahil sa pagpanaw ng miyembro ng kanyang pamilya, hindi pa niya umano ito ginawang rason para higpitan ang Cebu at sa halip ay inuuna ang kapakanan ng probinsya.