-- Advertisements --

Patay ang 45 na katao na patungo sana sa isang Easter Conference matapos mahulog ang sinasakyang bus sa bangin sa South Africa.

Tanging ang walong taong gulang na babae lamang ang nakaligtas sa insidente na agad dinala sa ospital matapos itong magtamo ng serious injuries.

Nanggaling ang bus sa bansang Botswana na katabi lang ng South Africa. Patungo sana ang mga ito sa Zion Christian Church sa bayan ng Moria kung saan ginaganap ang sikat na Easter festival.

Ayon sa awtoridad, nawalan ng kontrol ang drayber hanggang sa nabangga ito sa barriers ng tulay at nahulog sa bangin na may taas na 50 metro bago ito nasunog.

Nagpaabot na si South African President Cyril Ramaphosa ng pakikiramay sa Botswana at nangakong tutulong ang kaniyang opisina sa mga pangangailangan ng biktima.

Patuloy pa rin na isinasagwa ang search operations subalit marami sa mga ito ang nasunog at hindi na makilala.