Tinawag ni U.S. President Donald Trump bilang isang “significant step” ang panukalang 45-araw na tigil-putukan sa Iran, ngunit binigyang-diin niya na ito ay “not good enough.”
Sa pakikipag-usap sa mga reporter sa taunang White House Easter Egg Roll, nitong Linggo (araw sa Amerika) sinabi ni Trump na ang draft na ipinasa ng ilang bansa upang wakasan ang digmaan ay isang mahalagang hakbang sa proseso ng negosasyon.
“They made a proposal, and it’s a significant proposal. It’s a significant step. It’s not good enough, but it’s a very significant step,” ani Trump.
Idinagdag niya na kasalukuyang pinag-uusapan pa rin ang mga termino at hindi pa malinaw ang magiging resulta nito.
“They’ve made — they’re negotiating now, and they’ve made a very significant step. We’ll see what happens,” saad pa ni Trump.
Sinabi rin ni Trump na ang kasalukuyang lider ng Iran ay “much more reasonable” kumpara sa nakaraang mga grupo na kanilang nakaharap. Ayon sa kanya, mas matalino at hindi gaanong tuso ang mga pinuno nito.
Napag-alaman na ang ceasefire proposal ay ipinadala sa Estados Unidos at Iran nitong Linggo ng gabi, at tinitingnan bilang huling pagkakataon upang maiwasan ang malawakang pag-atake sa mga planta ng kuryente at iba pang imprastraktura ng Iran, na banta ni Trump kung mananatiling sarado ang Strait of Hormuz.
Una rito, sinabi ni Iranian Foreign Ministry Esmaeil Baghaei, na mayroon na silang sagot ukol sa pansamantalang tigil putukan na aniya hindi naaayon sa kanilang pambansang interes.














