-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Umaabot na sa 44 ang kaso ng dengue sa syudad ng Dagupan mula noong Enero hanggang sa kasalukuyan.

Ito ay ayon kay Dra. Ophelia T. Rivera, ang City Health Officer II ng syudad kung saan kabilang ang naturang sakit sa kanilang tinututukan ngayong panahon ng tag-ulan.

Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang kanilang isinasagawang listings kung saan agad ang mga itong nagpupunta sa mga lugar na mayroong kaso ng dengue.

Patuloy na paalala nito sa mga residente ng syudad na panatilihin ang kalinisan ng kapaligiran at huwag ding magtambak ng mga tubig sa mga gulong o sa mga flowerbase na maaaring pamugaran ng mga lamok.

Samantala, ibinahagi naman nito ang limang S sa pagpoprotekta laban sa dengue kabilang na dito ang pagpapanatiling hydrated.

Dagdag pa ni Dra. Rivera na hindi na nila mairerekomenda ang pagsasagawa ng fogging sa pagtataboy ng mga lamok bagkus ay mas maiging gawing alternatibo ang misting kung saan tubig lamang ang gamit.

Samantala bukod sa dengue, kabilang din sa kanilang binabantayan ay ang kaso ng leptospirosis kung saan payo nito na kung hindi maiwasang lumusong sa tubig-baha at makaramdam ng isa sa mga sintomas ng sakit, magtungo lamang aniya sa mga health centers at humingi ng paunang lunas.