May 43 mayor na padadalhan ng show cause order ng Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil sa mababang performance sa distribusyon ng cash subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) .
Ayon kay Interior Sec. Eduardo Año, hanggang nitong Miyerkules, May 13, ay may 3-percent na mga low-income families pa ang hindi nakakatanggap ng nasabing tulong pinanysal.
“Maglalabas na tayo ng show cause order sa mga naiiwang 43 mayors nationwide dahil sa bagal ng pagbibigay ng ayuda sa kani-kanilang mga constituents,” pahayag ng kalihim.
Pagpapaliwanagan daw ang mga alkalde kung bakit mababa ang kanilang naging performance sa pamamahagi ng cash subsidy, sa kabila ng dalawang extensions sa deadline ng distribusyon.
Ang 43 local government units na padadalhan ng show cause order ay may 79-percent at mas mababa pang accomplishment rate sa pagtatapos ng deadline noong May 10.
Sila ay mga alkalde raw mula Western Visayas, Mimaropa, Central Visayas, Davao region at National Capital Region.
Mayroon ding mula Ilocos at Cagayan Valley region, Calabarzon, Eastern Visayas, Northern Mindanao at Central Luzon.
“While the vast majority of the LGUs were able to distribute their SAP before the deadline leading to a national pay-out rate of 97% yesterday, may ilan pa rin na naiwan, thus, the DILG and the public deserves to know why they failed to complete their distribution.”