Ginawaran ang nasa 41 Filipino veterans ng prestihiyosong United States Congressional Gold Medal nito lamang Hunyo 30 bilang testamento sa serbisyo at katapangan ng mga sundalo at guerillas sa kasagsagan ng World War II.
Iginawad ang naturang medals sa 14 na nabubuhay na Filipino veterans at pamilya ng 27 posthumous recipients sa isinagawang seremoniya sa Armed Forces of the Philippines Commissioned Officers Country sa Camp Aguinaldo, Quezon City.
Sinabi ni Departmen of National Defense Secratary Gilberto Teodoro Jr na ang naturang aktibidad ay bahagi ng marching order ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniya na tiyakin ang kapakanan ng veterans sa ating bansa at bigyan sila ng best care at mapreserba ang kanilang dakilang legasiya.
Inihayag din ni Teodoro sa testimonial na binasa ni DND Acting Undersecretary Angelito De Leon na ipinanalo ng ating veterans hindi lamang ang kalayaan ng ating bansa kundi naibalik din ang dignidad ng bawat tao at malayang paraan ng pamumuhay.
Ang Congressional Gold Medal na iginawad sa Pinoy veterans ang pinakamataas na parangal na ibinibigay ng US Congress sa isang indibdiwal o grupo na malaki ang naging kontribusyon sa kasaysayan at kultura ng Amerika, bilang pagbibigay pugay sa serbisyo at sakripisyo ng mga Pilipino at Amerikanong veterans ng World War II.