
Inamin ng Bureau of Immigration (BI) na kanila pang tutukuyin ang lokasyon ng mahigit 40,000 na mga Philippine Offshore Gaming Operations workers na nahaharap sa deportasyon.
Ito ang inihayag ni BI Deputy Commissioner Fortunato Manahan Jr., chief of the Intelligence Division sa isinagawang Senate inquiry.
Ayon kay Manahan, ang tinatayang nasa 40,000 na nahaharap sa deportasyon ay batay sa palagay na ang bawat kumpanya ay mayroong 200 tauhan.
Aniya, base sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) nasa 214 license ang nakansela ng kumpaniya kung kaya’t nakapagtala sila ng 48,762.
Noong Linggo, sinabi ng BI na nakatakdang bawiin ang 48,782 alien visa ng mga Chinese national na nagtatrabaho sa mga POGO na may mga kanseladong lisensya.
Ayon sa Department of Justice (DOJ), ang pagkansela ng alien visa ay magbibigay sa mga Chinese national ng 59 days upang makaalis sa Pilipinas, bilang isang mas “cost-efficient” at “humanitarian” option sa halip na deportasyon.
Nasa proseso pa ang BI sa pag-verify kung nasa bansa pa ang mga nationals o nakaalis na.










