-- Advertisements --

Nakatakdang i-deliver ng Department of Education (DepEd) ang 40,000 units ng laptop sa mga guro, paaralan at mga field offices ngayong buwan.

Sinabi ni Education Secretary Leonor Briones, ang pagbibigay ng mga laptop ay bahagi ng kanilang programa para mabigyan ang mga guro ng appropriate tools para sa second academic year sa ilalim ng tinatawag na distance learning.

Kasama na rin dito ang patuloy na pagpapatupad ng Basic Education-Learning Continuity Plan at ang pagbibigay ng technical support sa kanilang mga field offices nationwide.

Samantala, idinagdag din ni Education Undersecretary Alain Pascua na responsibilidad pa rin ng pamahalaan na mag-provide ng laptop sa mga public school teachers dahil karamihan daw sa mga guro ay gumagamit ng sarili nilang mga devices para makapagturo sa distance learning.

Ang mga laptop ay binili sa pamamagitan ng Department of Budget and Management-Procurement Service at ang pondo ay kinuha naman sa Bayanihan to Recover As One Act (Bayanihan 2).

Ang hakbang ay dahil na rin sa lumabas na pag-aaral ng National Research Council of the Philippines na karamihan sa mga Filipino teachers ay ginagamit ang sariling pera para sa kanilang gadgets at internet connectivity para lamang maisagawa ang distance learning na siyang naging alternatibo sa in-person classes na ipinagbabawal pa rin dahil sa bagong variant ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) na nakapasok sa bansa.

Noong buwan ng Mayo, sinabi ni Education Undersecretary Annalyn Sevilla na naglaan sila ng P2.4 billion mula sa Bayanihan 2 para sa pambili ng laptop para sa kanilang 68,500 personnel.